PatrolPH

Health advocates: ECQ balewala kung walang aksiyon ang gobyerno vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 04:35 PM | Updated as of Aug 02 2020 06:12 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Walang silbi ang pagsasailalim sa isang lugar sa enhanced community quarantine kung walang komprehensibong aksiyon at recalibration ng mga istratehiya ang gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, ayon sa isang grupo ng mga health advocate.

Ayon kay Julie Caguiat, co-convenor ng Coalition for People's Right to Health, napabayaan noon ng gobyerno ang kapakanan ng publiko nang unang isailalim ng gobyerno sa ECQ ang Metro Manila at ibang bahagi ng bansa.

Sa halip umanong medical ang approach sa pandemya, ginagamit ng gobyerno ang militaristic approach na nagdudulot lang umano ng takot.

"Technically, okay na mag-ECQ. Pero ang aming fear, it would still be a militaristic approach and will really have an impact on the socio-economic status of many people," ani Caguiat.

Noong Sabado, nanawagan ang grupo ng mga health worker na ibalik sa ECQ ang Metro Manila sa loob ng 2 linggo dahil napapagod na umano sila sa bugso ng mga pasyenteng may COVID-19.

Inihayag ng Palasyo ngayong Linggo na pupulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang miyembro ng Gabinete para pag-usapan ang apela ng health care workers.

Ayon naman kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nakahanda ang pulisya sakaling ibalik ang ECQ.

Para kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, huling opsyon na ang ECQ sa kanilang lungsod dahil nahahanapan naman daw nila ng solusyon ang mga isyu kaugnay sa COVID-19.

Mataas naman ang morale ng health workers sa Quezon City, hindi pa overburdened ang mga ospital, at marami pang bakanteng quarantine facility, ani Belmonte.

Tingin naman ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ay magdurusa ang ekonomiya sa pagbabalik ng ECQ kaya tutugunan na lang daw nila ang pangangailangan ng mga health worker.

Magpupursigi rin umano ang Muntinlupa government sa mass testing at contact tracing.

Gusto naman ni Cavite Governor Jonvic Remulla na pagbigyan ang hiling ng health workers na aniya'y nasa breaking point na.

Samantala, kumambiyo naman si Sen. Cynthia Villar matapos umani ng batikos nang sabihan ang mga medical frontliner na pagbuitihin ang trabaho sa halip na bumalik sa ECQ ang Metro Manila.

Ayon kay Villar, taga-Department of Health at Philhealth ang kaniyang tinutukoy sa pahayag.

Iginiit ni Villar na mas kailangan ng mga lider ng gobyerno na magtrabaho para mabawasan ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya.

Noong Sabado, umakyat sa 98,232 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ang DOH ng 4,963 bagong kaso.

Sa bilang na iyon, 30,928 ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit, 65,265 ang gumaling na, at 2,039 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.