Batangas Vice Gov. Mark Leviste, positibo sa COVID-19

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 11:00 AM

Kinumpirma ni Batangas Vice Governor Mark Leviste gabi ng Sabado na positibo siya sa COVID-19.

Sa isang social media post, sinabi ni Leviste na July 28 nang makuhanan siya ng swab sample.

 

"One of my two household helpers informed me, he was experiencing headache and cough, while my other helper says she has mild colds. Then and there, I decided to call the provincial health office and I was advised to submit them for swabbing immediately," sabi ni Leviste.

Matapos ang swabbing, nag-quarantine na sina Leviste at ang mga kasambahay niya.

Nitong August 1, lumabas ang resulta kung saan negatibo ang dalawang helper. Pero sasailalim sila sa re-swabbing.

Nagpositibo naman ang resulta ng sa bise gobernador.

"Wala po akong nararamdaman na sintomas ng COVID-19 o anumang sakit. Fortunately, I have no co-morbidities," ani Leviste.

"Sa mga nakasalamuha ko nitong mga nakaraang araw, 'wag po kayong mag-atubiling makipag-ugnayan sa akin," dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Leviste na kukuhanan na rin ng swab sample ang kanyang tatlong anak.

Hinihingi naman niya ang panalangin at suporta ng mga Batangenyo.

Ayon sa pinakahuling ulat ng pamahalaang panlalawigan, may 1,118 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Batangas, as of 3 p.m. ng Agosto 1.

Sa kabuuang bilang, 47 ang namatay sa sakit, 457 ang naka-recover, at 614 naman ang nasa mga ospital pa.