Baka July 2021 pa magkaroon ng bakuna vs COVID-19: DOST official

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng sa Hulyo 2021 pa magkaroon ang Pilipinas ng bakuna para sa coronavirus disease, ayon sa isang opisyal ng Department of Science and Technology.

"Pinakamaaga na magkakaroon tayo ng vaccine diyan ay July 2021," ani Science Undersecretary Rowena Guevarra sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Guevarra, magsisimula pa lang sa pagsasagawa ng clinical trials sa 4 o 5 bakuna sa higit 200 Pilipino sa Setyembre.

Bahagi umano ito ng solidarity trials na pinamumunuan ng World Health Organization (WHO) sa maraming bansa.

Mahalaga raw na masubukan muna ang mga bakuna sa mga piling indibiduwal para matiyak na mabisa at ligtas itong ibigay sa nakararami.

Kailangan din munang aprubahan ng Food and Drug Administration ang bakuna at susuriin din ito ng ethics review board ng pamahalaan.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na umaasa siyang babalik na sa normal ang situwasyon sa bansa sa Disyembre kapag nabigyan ng COVID-19 vaccine ng China ang Pilipinas.

Bukod sa solidarity trials, sumali rin ang Pilipinas sa pandaigdigang proyekto ng WHO na COVAX Facility, na magagarantiya na mabibigyan ang bansa ng bakuna kontra COVID-19 para sa 3 porsiyento ng populasyon ng bansa.

Tiniyak din ni Guevarra na uunahing bigyan ng libreng bakuna kontra COVID-19 ang mga frontliner at pinakamahihirap na senior citizen.

"Ang priority talaga niyan ay ang ating frontliners, sila 'yong unang mabibigyan, tapos susunod ang ating tinatawag na indigent senior," ani Guevarra.

Tiniyak din ng DOST na may pondo ang pamahalaan para sa bakuna.

Nauna na ring sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na mayroong pondo para sa COVID-19 vaccine para sa 20 milyong pinakamahihirap na Pilipino, na maaaring umabot sa P20 bilyon.

Sinagot naman ng DOST ang babala ng ilang eksperto ukol sa kaligtasan ng mga bakunang galing China.

"Itong ating expert panel... nire-research nila lahat ng developments ng vaccine at tinitingnan nila kung ano talaga 'yong makabubuti sa atin," ani Guevarra.

Pero habang wala pang bakuna, paulit-ulit na paalala ng mga eksperto ang pagsusuot ng face mask, physical distancing, paghuhugas ng kamay, at pananatili sa bahay kung hindi naman mahalaga ang lakad sa labas.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.