Babae patay sa pamamaril sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 12:01 PM

MAYNILA — Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng isang hindi nakikilalang salarin sa Quezon City nitong madaling araw ng Linggo.

Ayon sa isang testigong taxi driver, nakapila siya sa northbound lane ng Agham Road sa tapat ng Philippine Children's Hospital nang mapansin niyang huminto ang isang pulang kotse sa kabilang lane bandang alas-12:30 ng hatinggabi.

Tila umano may komosyon sa loob ng sasakyan hanggang sa nakarinig ang testigo ng putok ng baril.

Tinulak palabas ng sasakyan mula sa passenger side ang babae saka bumaba ang isang lalaki at muling binaril ang biktima, ayon sa testigo.

Narekober naman ng pulisya sa crime scene ang 8 basyo ng kalibre .45 na baril.

Nakuha rin ang ID mula sa babae pero kailangan pang iberipika kung ito nga ang biktima.

Hindi naman naplakahan ang kotseng ginamit sa krimen.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.