Paggawa sa temporary shelters sa Itbayat naantala sa masamang panahon

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 08:46 PM | Updated as of Aug 02 2019 11:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naantala ang pagdating ng mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo sa temporary shelter para sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes dahil sa masamang panahon.

Pansamantala sanang papalitan ng mga shelter ang Ivatan houses na gumuho sa serye ng mga lindol sa Batanes. Ang mga bahay na ito ay nagsisilbing tourist attraction dahil sa kanilang hugis at hulma.

Ayon kay Batanes Gov. Marilou Cayco, kaunti pa lang sa materyales ang dumarating, lalo’t nasa coastal area ang Batanes na madaling datnan ng ulan.

"May dumating kami kahapon, konti lang 'yung kahoy, hindi naibaba 'yung yero dahil maalon pero kung maganda ang panahon mabilis lang pagdadala dito, mabilis din kami makakagawa," ani Cayco.

Maaaring pagpilian ng mga pamilya ang dalawang disenyo, na pawang gawa sa mga yero at tubo.

Libre ang unang design, pero kailangang magdagdag ng P10,000 kapag pipiliin ang ikalawang disenyo dahil mas maraming kahoy ang kailangang gamitin dito.

Nasa plano na rin ng lokal na pamahalaan na itayo muli ang mga Ivatan house at gagamitin ang gumuhong bahagi ng mga bahay at lalagyan ito ng bakal para hindi maging matibay sa lindol.

Gayunman, may mga tutol na residente rito, tulad ni Erlita Hammond.

"Ayaw, ano na lang, kahoy o kaya yero... baka delikado sa apoy," ani Hammond.

Bahagi na ng kultura at kasaysayan ng mga Ivatan ang mga tradisyonal na bahay. Pero aminado si Cayco na hindi nila mapipilit ang mga may ari nito kung ayaw na nila muling itayo ang mga gumuhong Ivatan house.

Ayon sa lokal na pamahalaan, P886 milyon ang kailangang pondo para sa rehabilitasyon sa Batanes.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.