Mga detalye ng credit card maaaring nakawin, ibenta

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-iingat ngayon ng mga awtoridad ang publiko laban sa umano’y bagong modus ng pagnanakaw ng credit card information nang hindi gumagamit ng skimming device. 

Ayon sa National Privacy Commission (NPC), kinakasabwat umano ng mga sindikato ang mga kahera sa ilang pamilihan para makuha ang credit card details ng isang mamimili. 

Kabilang umano sa kinukuhang detalye ang card number, pangalan, expiry date, ang CVV number o iyong tatlong numero na nakalagay sa likod ng card – na pawang kinakailangan sa pagkasa ng mga online shopping transaction. 

"Makuhanan lang front and back (ng credit card) nag-e-employ sila ng mga kakuntsaba. Nabibili 'yan sa black market," ani Raymund Liboro, pinuno ng NPC. 

Sinabi ito ng NPC matapos ang pagbubunyag ni Dennis Jose Borbon, suspek sa paningikil at pagkukunwaring kongresista para makakuha ng pera, na sangkot din ang kaniyang grupo sa credit card fraud. 

Ayon kay Borbon, nakakakuha sila ng credit card information nang hindi na kinakailangan ng skimming device. 

Dagdag nila, konektado sila sa ilang kahera sa mall, restoran at gasolinahan. 

Kukuhanan umano ng kahera ng retrato ang mga credit card ng kanilang mga kostumer, at saka pinapasa sa mga sindikato. May kaukulang bayad ito sa kanila, ayon kay Borbon. 

"Ise-send nila sa amin. Pag na-validate po namin, na gumagana ang info at perfect po, binabayaran namin, P1,500 kada isa," ani Borbon. 

Ayon kay Liboro, hindi dapat malaman ng kung sino-sino ang CVV ng isang credit card user, at dapat takpan ito para hindi makopya ang detalye. 

Payo naman ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na dapat bantayan ang kahera kapag sina-swipe na ang credit card. 

"Huwag mawala sa paningin ninyo ang credit at debit card ninyo kapag nagta-transact,” ani Police Lt. Col. Mary Ivy Salazar, hepe ng PNP ACG Cyber Financial Crime Investigation Unit.

Umaasa naman ang NPC na paiigtingin ng mga bangko ang seguridad nila sa pagtanggap ng credit card transaction. 

Sa tala ng PNP ACG, nakatanggap sila ng 20 reklamo na nagamit ng iba ang kanilang credit card at aabot sa P3 milyon ang nawala rito. 

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.