Dating alkalde, kinasuhan dahil sa ilegal na baril

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 03:22 PM

Sinampahan na ng kaso ang dating alkalde at ngayon ay presidente ng Liga ng mga Barangay sa Siay, Zamboanga Sibugay matapos na mahulihan ng baril.

Naabutan ng mga nagpapatrolyang pulis si Julius Acosta Sr. na may dalang baril habang nasa loob ng isang bilyaran sa Barangay Poblacion noong Hulyo 23, ayon kay Colonel Jerry Protacio, provincial director ng Zamboanga Sibugay Police.

Paso na ang lisensya ng baril ni Acosta, ayon pa kay Protacio. Dagdag niya, suspendido din ang permit to carry firearms ngayon dahil sa martial law sa buong Mindanao.

Pero naging regular filing ang kaso ni Acosta at hindi siya sumailalim sa inquest proceedings dahil umano sa kulang na dokumento na inihain ng mga imbestigador sa opisina ng piskalya.

Samantala, idineklara naman ng Municipal Council ng Siay si Protacio na persona non-grata kasunod sa pag-aresto kay Acosta na ama ng kasalukuyang alkalde ng munisipyo.

Ayon sa lokal na konseho, ilegal ang pag-aresto kay Acosta.

Pero ayon kay Zamboanga Sibugay Governor Wilter Palma, agad naman itong binawi ng Siay Municipal Council. Dinipensahan rin niya ang ginawa ng mga pulis.

Ginawa lang aniya ng mga pulis ang kanilang trabaho at malinaw naman na may nilabag na batas si Acosta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.