10 arestado sa 2 drug den sa Antipolo City

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes ang dalawa umanong drug den sa isang barangay sa Antipolo City.

Sa surveillance video kasi, nakumpirmang talamak ang bentahan ng droga sa Barangay Dela Paz matapos mahuling bumabatak ng shabu ang ilang kalalakihan sa lugar.

Kaya nitong Biyernes ay nilusob na ng PDEA ang 2 bahay na hinihinalang drug den, at doon natimbog ang target nilang si Eleuterio Gabuya alyas "Neng" habang nakatakas naman ang kapatid nitong si Freddie.

"Sila po ay magkapatid. Wala naman silang ibang source of income kundi ito lang... Sila ang nagfa-facilitate, sila ang may-ari ng mga bahay na ito," sabi ni PDEA Special Enforcement Service agent Alvin Morales.

Bukod pa kay Gabuya, arestado rin ang siyam na iba pang naabutan sa 2 bahay.

Ayon sa PDEA, mga jeepney driver ang karamihan sa mga parokyano ng magkapatid na pusher.

Umamin naman ang isang tsuper na nahuli sa drug den.

"Gumagamit po nang 3 beses sa isang linggo... Pampagising lang po, dahan-dahan naman po ako magmaneho," ani alyas "Michael," jeepney driver.

Nakumpiska sa loob ng 2 bahay ang mga gamit sa pagdodroga, higit 30 sachet ng shabu, at 2 sachet ng marijuana.

Sa kabila nito, nanindigan si Gabuya na hindi siya nagtutulak.

Isasailalim sa drug test ang 9 naaresto habang kakasuhan naman si Gabuya ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.