Kaanak ng isa pang nawawala sa QC, lumutang

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2018 07:30 PM | Updated as of Aug 08 2018 11:22 PM

Lumutang ang kaanak ng isa pang nawawalang lalaki na dinampot din umano ng mga tauhan ng Barangay Commonwealth, Quezon City.

Ito ay matapos maiulat ang pagkawala ng 21 anyos na si Arnold Jansen Agustin mula pa noong Biyernes matapos umanong hulihin ng mga tanod at dating kagawad ng barangay.

Kuwento ni Evely Zabala, isang grupo rin ng mga lalaki ang dumakip sa nawawala niyang kapatid na si Ervin sa bahagi ng Litex, alas-nuwebe ng gabi noong Pebrero.

"Lumapit daw po sa kanila, mga barangay po... Hindi daw po nagsalita, basta dinampot lang 'yong kapatid ko," ani Zabala.

Agad daw pumunta sa barangay hall ang mga kaanak ni Ervin, 26 anyos, para hanapin ito pero wala roon ang lalaki.

"Wala daw po sila noong oras na iyon na operasyon na ganoon," ani Zabala.

Anim na buwan na ang nakalipas mula nang mawala si Ervin at maidulog sa pulisya ang insidente kaya hindi umano maiwasan nina Zabala na mag-isip na may masama nang nangyari rito.

Sa text message ng barangay chairman na si Manuel Co, sinabi niyang inimbestigahan nila ang kaso ni Ervin pero wala silang nakuhang testigo para malaman kung sino ang dumampot sa kaniya.

Samantala, dalawang lalaki ang hinuli noong gabi ng Miyerkoles ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) kaugnay sa pagkawala ni Agustin pero pinakawalan din matapos ang imbestigasyon.

"Iyong kaso ay nai-file na, ang kukunin lang sa kanila ay 'yong kanilang mga identity at 'yong data," ani Chief Inspector Elmer Monsalve, hepe ng QCPD-CIDU.

Nauna nang sinampahan ng kasong kidnapping with serious illegal detention ang dating kagawad na si Chris De Lima, at mga tanod na sina Jayson Mahilom, Mark Galang, Norman Madrid, alyas "Tigok" at alyas "Pugak."

May pito pang lalaki naman ang isasama sa listahan ng mga suspek kapag may preliminary investigation na.

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa mga nawawala habang nakakasa ang manhunt operation sa mga suspek. 

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.