Ina at 2-anyos na anak, nabiktima ng pekeng beauty product

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2018 12:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sari-sari ang mga produktong pampaganda na ibinebenta ngayon sa mga establisimyento at maging sa online sites. 

Pero ayon sa mga eksperto, kailangan maging mapanuri sa mga bibilhin dahil sa mga naglipanang pekeng beauty products na may masamang epekto sa kalusugan.

Sa episode ng "Red Alert" nitong Miyerkoles, idinetalye ng 26 taong gulang na si Grace Reguyal ang naging epekto ng paggamit ng whitening products na binili niya mula sa isang online seller.

"Iyung nabili ko, night cream siya at saka soap, so sa night ko siya nilalagay. 'Yung soap, every time na naliligo ako, 'yun yung ginagamit ko,” pagdedetalye ni Reguyal.

Matapos ang tatlong linggong paggamit, nagkaroon ng pamumula sa katawan si Reguyal. Napansin din nitong nagkaroon ng malalaking pantal sa katawan ang kaniyang 2 taong gulang na anak.

"Iyung baby ko, nagkaroon din siya ng allergy. Pareho kami. Pero 'yung sa kaniya sa buong katawan at pabalik-balik," sabi ni Reguyal.

“Sa lactation daw po or sa skin contact kaya po nahawa 'yung baby ko,” dagdag niya.

Dahil sa epekto sa kanilang kalusugan, itinigil ni Reguyal ang paggamit ng produkto. Binigyan din ng antihistamine kontra allergy at cream para sa pantal ang mag-ina.

REKLAMO

Nang i-post ni Reguyal sa social media ang naging karanasan niya, natuklasan niyang marami rin ang nagrereklamo laban sa nabiling produkto. Gayunpaman, hindi na itinuloy ni Reguyal ang pagsampa ng kaso laban sa online seller.

Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), napag-alamang mataas sa mercury content ang produkto.

Kung ma-expose ang katawan sa produktong may mataas na mercury content, maaaring magdulot ito ng pangangati ng katawan, skin discoloration, at pagsusugat. Maaari ding magdulot ito ng komplikasyon sa bato kung matagal na ang paggamit.

“So napatunayan na hindi siya nabigyan ng kaukulang authorization katulad ng certificate of product notification. Pangalawa, ayon sa aming laboratory testing ng FDA, itong cream ay naglalaman ng mataas na level ng nakakalasong mercury,” paliwanag ni Analyn Ignacio mula sa FDA.

Pinag-iingat naman ng eksperto ang mga buntis, nagbabalak mabuntis, o 'di kaya'y nagpapadede ng anak dahil maaaring makasama ang paggamit ng produkto sa kalusugan ng sanggol.

"Ang safest, wag ka munang gagamit ng whitening product or produkto na pampaganda habang ikaw ay nagbe-breastfeed," ayon kay Dr. Sarah Delos Reyes, isang primary and aesthetics health physician.

Kung bibili ng produkto sa internet, hingin ang FDA certificate of registration at DOH certification mula sa online seller. 

Magduda lalo na kung bagsak-presyo ang produkto dahil sa posibilidad na expired na ito.

Para sa listahan ng mga produktong pumasa sa pagsusuri ng FDA, bisitahin ang kanilang website.

Para sa karagdagang ligtas tips, sundan ang “Red Alert” sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).

Napapanood ang “Red Alert” tuwing Miyerkoles ng gabi pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.