Bangko, nilimas sa Tuguegarao

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2018 04:31 AM | Updated as of Aug 02 2018 11:42 AM

Nilooban ang bangko ng limang lalaki na nagpanggap umanong pulis. Tuguegarao City PNP photo

Tuguegarao City, Cagayan - Nagkalat ang mga pera sa isang silid ng Metrobank Tuguegarao City branch nang datnan ng mga pulis pasado alas-8 Martes ng gabi.

Nilooban ang bangko ng limang lalaki na nagpanggap umanong pulis.

"Iyung van na puti na nagpark sa likod ng Metrobank, bumaba muna yung isa na may dalang tickler, sabi niya magkaconduct kami ng inspection, pulis ito sabi sa gwardiya. Pinadapa itong mga gwardiya na nasa baba, nung naitali na itong dalawang gwardiya saka na sila pumunta sa taas at dun na nila kinuha yung pera," ayon kay Supt. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City police.

Inabot ng limang minuto sa paglimas ng pera ang grupo bago sila tumakas sakay ng isang puting van.

"Kung titignan mo how they wear the uniform, hindi talaga sila pulis. Sa amin naman sa Tuguegarao, hindi kami nagkaconduct ng inspection sa gabi," dagdag ni Cablarda.

Dalawa sa guwardiya ay isinailalim sa polygraph test. Hindi isinasantabi ng pulisya ang anggulong inside job.

"Nataon nga na nagbibilangan ng pera tapos ganung oras na bakit pa binuksan nitong gwardiya, so hindi natin tinatanggal yung possibility na inside job ito whether sa part ng gwardiya or sa isang empleyado," ani Cablarda.

Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang pamunuan ng bangko, pero sa kanilang advisory, kinumpirma ng Metrobank na nasa P21.4 million ang nawawalang pera.

Tiniyak din nito na walang naapektuhang customer account sa nangyari.

Nasa maayos din daw na kalagayan ang kanilang mga empleyado, at patuloy na nakikipagtulungan sila sa awtoridad para sa ikalulutas ng insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.