[CMSAbstractTransformation.DataBind]: Object reference not set to an instance of an object.

City jail detainee, pumuga; pagtakas kuha sa CCTV

Jenette Ruedas at Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 07:06 PM

BAYBAY CITY, Leyte - Nakuhaan ng CCTV ang pagtakas ng isang detainee ng Baybay City Jail.

Itinaon ni Job Parazo sa pagdalo sa hearing ng kaniyang kaso sa Baybay RTC, Martes ang kaniyang pagtakas. 

VIDEO COURTESY: Baybay Police

Base sa CCTV video, pinakahuling pumasok ang pumugang preso na si Porazo sa 10 mga bilanggong dadalo sa hearing.

Kita din na parang balisa at may tinitingnan sa labas si Porazo habang parang linuluwagan ang posas.

Ayon sa mga pulis, maya-maya pa ay sumesenyas na ito sa kanyang kasabwat na naka-motor na nag-aabang sa labas ng gusali ng korte. 

Nang makahanap ng pagkakataon ay nagmamadaling tumakas si Porazo.

Sa ngayon patuloy pang hinahanap ang takas na preso.

Si Porazo ay nahuli sa isang buy-bust operation nitong March 4, 2017 at isa siya sa top ten most wanted sa drug watch list ng Baybay City.

SIBAK ANG BANTAY

Tanggal naman sa pwesto ang jail wardress at tatlong iba pang opisyal ng Baybay City Jail matapos makatakas ang detainee. 

Ipinag-utos ni Jail Senior Superintendent Edwin Riel, regional director ng Bureau of Jail Management and Penology na matanggal sa pwesto ang apat na opisyal.

Ayon kay Riel, nagsagawa agad sila ng imbestigasyon ukol sa insidente, kung saan nakita nilang may pagkukulang ang mga opisyal.

Pansamantalang madedestino si SJO4 Lourdes Noveda sa regional office ng BJMP samantalang pansamantalang itinalaga sa Tacloban City Jail ang tatlong iba pang opisyal habang patuloy ang imbestigasyon.

Ayon pa sa opisyal, posibleng matagal nang pinagplanuhan ang pagtakas ni Porazo dahil may mga kaduda duda itong ikinilos base na rin sa kuha ng CCTV sa Regional Trial Court kung saan ito nakatakas.

Depende rin umano sa imbestigasyon ang mga karagdagang parusa na maaring ipataw sa mga opisyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.