10 estudyante sa Quirino, nahuling lumabag sa smoking ban

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 12:32 AM

Sampung estudyante ang nahuli sa Quirino noong nakaraang Linggo matapos lumabag sa nationwide smoking ban ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ikinabahala ni Chief Insp. Jovencio Calagui, hepe ng Diffun police, na karamihan sa kanilang mga nahuli nitong nakarang linggo ay mga estudyante.

“Last week nakahuli kami ng 10 at pinatawag namin ang mga parent nila," ani Calagui.

Sa mismong tindahan pa umano sila naaktuhan ng pulisya.
 
Alinsunod sa ordinansa, bawal bentahan ang mga menor de edad ng sigarilyo.

Bawal ding magbenta ang mga tindahan na nasa 100 metro ang lapit sa eskwelahan.

Ang lalabag ay pwedeng mawalan ng lisensiya sa negosyo.

Sa ilalim ng public smoking ordinance ng Diffun, may multa na P500 o isang buwan na pagkakakulong ang haharapin sa first offense.

Habang P1,000 o dalawang buwan na pagkakakulong sa second offense at mahigit P3,000 o apat na buwang pagkakakulong sa third offense at susunod pang mga paglabag.

Dagdag ni Calagui, bago pa man ipatupad ang nationwide smoking ban, mahigpit nang ipinagbabawal sa Diffun ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

“Noong may ibinaba na EO 26, mas lalo silang nagging aware ang mga tao [sa ordinansa]," ani Calagui.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.