PatrolPH

Pakikiramay, papuri bumuhos sa pagpanaw ni FVR

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2022 07:02 PM | Updated as of Aug 01 2022 09:16 PM

Watch more News on iWantTFC

Bumuhos ang pakikiramay at papuri para kay dating pangulong Fidel V. Ramos mula sa mga opisyal ng bansa pati ng ibang mga bansa kasunod ng pagpanaw ng dating lider.

Binawian ng buhay noong Linggo sa edad na 94 si Ramos.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi lang mabuting lider ng bansa si Ramos kundi miyembro rin ng kaniyang pamilya. Pinsan ni Ramos ang ama ni Marcos Jr.

Dagdag ni Marcos, pahahalagahan at hindi malilimutan ng bansa ang mga nagawa ng dating pangulo.

Inalala naman ni Vice President Sara Duterte ang nabuong kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno at Moro National Liberation Front pati ang pagbuti ng ekonomiya noong panahon ni Ramos.

Tunay na makabayan si Ramos na hinikayat ang kapwa lingkod bayan na pahalagahan ang integirdad, ayon kay Duterte. 

Nagluluksa rin ang ama ni Sara na si dating pangulong Rodrigo Duterte, na inilarawan si Ramos bilang isang great statesman, mentor at kaibigan.

Magugunitang pinasalamatan ni Duterte si Ramos sa suporta nito para maging pangulo noong 2016.

Inalala naman ni dating pangulong Joseph Estrada si Ramos bilang isa sa pinakaepektibong pangulo ng bansa.

Mananatili umanong inspirasyon ang mga nagawa ni Ramos, na nalagpasan ang mga problema ng bansa sa pinakapraktikal, mura at mabilis na paraan.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, malaking kawalan sa bansa ang pagpanaw ni Ramos, na wala aniyang humpay na ipinakita ang galing at husay kahit hindi na pangulo para tulungang mapanatili ang pag-uland ng bansa.

Para kay House Speaker Martin Romualdez, mahirap sundan ang yapak ni Ramos bilang chairman emeritus ng partido nilang Lakas-CMD.

Isa aniyang mahusay na lider si Ramos na isinapuso ang mabuting pamamahala.

Nagluluksa rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na pinaglingkuran ni Ramos bilang sundalo, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, at kalihim ng Department of National Defense.

Handa ang AFP na gawaran ng tradisyunal na military funeral honors si Ramos, na hindi anila matatawaran ang paglilingkod sa bansa at nagawa para magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.

Para sa Philippine National Police, nagsilbing mabuting halimbawa si Ramos at hindi malilimutan ang mga nagawa niya para maging maayos ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Itinuturing naman ng Department of Foreign Affairs na "foreign policy president" si Ramos, na ginawang bahagi rin ng foreign policy ng bansa ang pagpapaunlad ng ekonomiya at pangangalaga ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Inangat din anila ni Marcos ang imahe ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbisita niya sa ibang bansa.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang mga ambassador ng China at Japan, at embahada ng Amerika, France, Germany at European Union.

— Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.