Iprinesenta sa media nitong Agosto 1, 2021 si Masckur Adoh Patarasa, isang pulis na miyembro pala ng Abu Sayyaf Group.
ZAMBOANGA CITY — Isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang natuklasang miyembro umano ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Iprinesenta ngayong Linggo ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar si Masckur Adoh Patarasa na naaresto noong Biyernes sa isang joint police operation.
May kinahaharap na kasong kidnapping with serious illegal detention si Patarasa, na kilala rin bilang si alyas "Makong" o "Omair Sali Taib," sa isang korte sa Isabela City, Basilan, ayon kay Eleazar.
Si Patarasa ay isa rin umanong finance at logistics liaison officer ng Dawla Islamiya at ASG, at kasali sa Martial Law Arrest Order No. 1 noong Marawi siege noong 2017.
Lumabas sa imbestigasyon na binalak ni Patarasa na magpadala ng pondo sa mga ASG member na lumalaban sa Marawi.
Sinasabing bayaw rin ni Patarasa si Isnilon Hapilon, isa sa mga nanguna sa panig ng mga terorista sa Marawi siege.
Taong 2015 nang sumali sa PNP si Patarasa, na aktibong non-uniformed personnel sa Banguingui Municipal Police Station sa Sulu.
Ayon kay Eleazar, hihigpitan ang pag-screen sa mga aplikanteng papasok sa PNP.
"Kaya ayaw natin na makapasok sila sa palakasan or padrino system," ani Eleazar.
Ipinaliwanag ni Eleazar na nagsasagawa pa rin ang PNP ng background investigation sa mga tauhan nito kahit ilang taon nang nakapasok ang mga ito sa serbisyo.
Ayon kay Eleazar, sisibakin sa serbisyo si Patarasa, na haharapin ang 7 kasong nakasampa laban sa kaniya.
Inaalam din umano kung may iba pang mga kasabwat sa loob ng PNP si Patarasa.
— Ulat ni Quennie Casimiro
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Philippine National Police, Guillermo Eleazar, Abu Sayyaf, ASG, terorismo, Masckur Adoh Patarasa, arrest