PatrolPH

Rider patay, angkas sugatan sa aksidente sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2021 05:02 PM

Patay ang rider habang sugatan ang kaniyang angkas matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa poste ng ilaw sa Tapaz, Capiz noong Sabado.

Nakilala ang namatay na rider bilang si Jhan Winold Parsellano, 24, habang ang angkas naman ay si Rafil Casa, 23.

Sa imbestigasyon ng Tapaz police, sakay sa motorsiklo ang 2 biktima galing sa bayan ng Bingawan, Iloilo. Ihahatid sana umano ni Parsellano si Casa sa bahay nito sa Barangay Switch, Tapaz.

Pagdating sa lugar ay nawalan ng kontrol si Parsellano, dahilan para bumangga ang minamanehong motorsiklo sa poste ng ilaw.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang 2 sakay ng motorsiklo at nawasak ang unahang bahagi ng motorsiklo.

Napag-alaman na parehong nakainom ng alak at walang suot na helmet ang 2 biktima nang mangyari ang insidente, ayon sa Tapaz police.

Agad dinala sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival si Parsellano matapos magtamo ng malubhang sugat.

Patuloy naman na ginagamot si Casa at nasa ligtas na kalagayan na.

— Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.