PatrolPH

Lolo patay nang barilin ng kapitbahay sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2021 06:36 PM

Patay ang isang 85 anyos na lalaki matapos itong barilin sa Barangay Burayoc sa bayan ng Pagudpud, Ilocos Norte Sabado ng gabi. 

Base sa imbestigasyon ng Pagudpud Police Station, nakatayo lamang ang biktima sa loob ng kanyang kubo nang biglang pumasok at binaril ito ng suspek gamit ang improvised shotgun. 

Tinamaan ito sa kanang balakang na agad niyang ikinamatay. 

Sa isinagawang manhunt operation, agad nakilala at nahuli ang suspek na kapitbahay ng biktima. 

Ayon sa kay Police Major Eduardo Santos, hepe ng nasabing istasyon, kapag lasing ang suspek ay madalas umanong nambabato ito sa bahay ng biktima.

Sa katunayan sabi ni Santos, naka-iskedyul din sana ngayong Linggo na ito ang pag-uusap ng pamilya ng biktima at ng suspek sa barangay tungkol sa madalas na pambabato ng suspek sa bahay ng biktima. 

"Itong suspek ay alleged na nambabato sa bahay ng biktima, so ipinatawag nila sa barangay kaya mag-uusap sana sila ngayong araw pero kagabi ay sumugod na ang suspek sa bahay ng biktima at pinaputukan na nga ang biktima," sabi ni Santos. 

Inihahanda na ang reklamong murder ang suspek.

- ulat ni Grace Alba

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.