Para makahinga: Mga doktor nanawagang ibalik ang Metro Manila sa ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2020 07:02 PM | Updated as of Aug 01 2020 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nananawagan ngayon ang grupo ng medical frontliners kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa mas mahigpit na enhanced community quarantine ang Metro Manila, sa harap ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa. 

Paliwanag ni Dr. Maricar Limpin, Bise Presidente ng Philippine College of Physicians, ito ay para makahinga ang mga ospital sa dami ng tinamaan ng COVID-19, pati na ang mga frontliner na tinamaan na rin ng sakit. 

“Ang hinihiling sana namin ay kahit po siguro panandalian lamang bigyan naman ho kami ng breathing space kasi kami na po ang naririyan sa battlefield eh. Kami po yung nandyan, kami po yung humaharap at nakakakita ng nangyayari," ayon kay Limpin sa panayam sa Teleradyo. 

"So kailangan pakinggan ho kami ng gobyerno. Kung kami po ay napapagod na huwag nyo hong hintayin na bumagsak na lahat kami. Kapag bumagsak po lahat kami paano na ang mga mamamayang Pilipino,” dagdag niya. 

Sang-ayon dito si Dr. Jose Santiago, pangulo ng Philippine Medical Association lalo’t “overwhelmed” na ang healthcare system ng bansa. 

“Healthcare workers are united in sounding off a distress signal to the nation: our healthcare system has been overwhelmed,” aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ganito rin ang panawagan ng isang frontliner na pamilya ang nagpositibo sa virus. 

Kuwento ni Dr. Arielle Dado, nahawaan siya at ang kaniyang pamilya sa sakit. Mild lang kung maituturing ang kanilang sintomas pero ang kaniyang ina ang malalang tinamaan ng virus. 

Bumuti man ang lagay ni Dado at ang anak at nabawasan ang sintomas ng kapatid at ama, lumala naman ang lagay ng kaniyang ina, na pumanaw kalaunan. 

Kaya nanawagan din si Dado na higpitan ang quarantine. 

“We have to call for ECQ. I cannot just watch my colleagues die. Ang magagawa ng ECQ, people are saying the economy needs it. What economy now? Anong gagawin mo sa pera mo? We need quarantine to unload hospitals,” ani Dado. 

Ayon sa pag-aaral ng mga propesor ng University of the Philippines, nakakaranas ngayon ng surge o pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region maging sa Calabarzon. 

Bagama’t bumubuti na anila ang sitwasyon sa Cebu, hindi pa rin masasabing na-flatten na ang curve dito. 

“Our current projection is 150,000 cases by the end of August pero maaari siyang umabot ng 200,000 sa nakikita nating mabilis na transmission rate,” ani Dr. Guido David ng UP-OCTA Research Team. 

Payo ng mga propesor na gumawa sa pag-aaral na kailangan ng mass hiring ng healthcare workers at mabigyan ang mga ito ng kumpletong personal protective equipment at isailalim sa COVID-19 tests. 

“There is a serious surge. Government needs to scale up healthcare capacity. Expand numbers of healthcare workers,” ani Ranjit Rye, isang political expert na kasapi rin ng UP-COTA Team. 

Tingin naman ni Bise Presidente Leni Robredo na nanggaling na mismo sa mga healthcare worker na hindi umuubra ang kasalukuyang ipinapatupad na stratehiya at dapat pakinggan sila para makaahon ang bansa sa laban kontra coronavirus. 

Giniit naman ng Department of Health na nakikiisa sila sa panawagan ng mga frontliner na siguruhing protektado ang kalusugan ng mga healthcare worker. 

Pero responsibilidad din umano ng bawat mamamayan ang pagsisiguro na hindi maging pasanin sa healthcare system ng bansa 

Inatasan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter-agency Task Force na agad nang aksyunan ang panawagan ng medical community. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nangako silang hindi bibiguin ang mga frontliner na tinaguriang modern heroes. 

— Ulat nina Apples Jalandoni at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.