MAYNILA - Ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa pagpasok ng Agosto, hinimok ng isang opisyal ng Komisyon ng Wikang Filipino na gamitin ang mga wika sa Pilipinas para magbigay-kaalaman tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
"Ang mahalaga po rito ay magamit ang wikang Filipino sa panahon ng pandemya kasi alam nating mga kababayan na talagang naghihirap tayo sa mga nangyayari ngayon," ani KWF commissioner Arthur Casanova sa Laging Handa briefing Sabado.
Isinasalin ng komisyon ngayon sa mga katutubo at regional na wika ang mga impormasyong nakakalap tungkol sa coronavirus, ayon kay Casanova.
"Patuloy pa rin pong isinasagawa ang pagsasalin na 'yan. Naghihintay po kami ng kahilingan sa mga gusto nilang infographics na maisalin sa wikang Filipino at ibang katutubong wika," ani Casanova.
Sa ngayon, ayon kay Casanova, naisalin na nila sa 10 wika ang mga infographic na may kinalaman sa coronavirus at nakikipag-ugnayan sila sa mga katuwang na ahensiya para mapalaganap ito.
Kaakibat aniya ito ng kanilang tema sa papasok na Buwan ng Wika, na hinihimok ang paggamit ng wikang Filipino para magbigay-kaalaman tungkol sa COVID-19 pandemic.
"Gamitin ang wikang Filipino, kasabay ng paggamit ng iba pang katutubong wika sa kani-kanilang lugar para mas mapabilis at higit na maunawaan ang mga impormasyon at kabatiran hinggil sa pandemya," paghihikayat ni Casanova.
- Ulat ni Angela Coloma, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, Buwan ng Wika