MAYNILA - Kasunod ng pananatili sa general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, muling nagpaalala ang iba't ibang lokal na pamahalaan (LGU) sa kahalagahan ng pagsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay.
Babala nila, may multa para sa mga hindi susunod.
Sa Muntinlupa, may bagong ordinansa na hinihikayat ang lahat na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar. Ang multa ay P300 sa first offense, P500 sa second offense, at P1,000 sa third offense.
Kapag menor de edad naman, pwedeng mawala ang scholarship grant ng LGU kapag iskolar sila.
Sa Parañaque, P1,000 o 6 na oras na detention ang penalty sa first offense, at P2,000 naman sa second offense o 9 na oras na detention.
Sa pangatlong offense, papatawan ng P3,000 o kalahating araw na detention ang mga violators.
Mas mahal pa ang multa sa Makati -- P1,000 sa first offense, at P3,000 sa second offense. Sa third offense, aabot na ang multa sa P5,000 o pagkakulong ng 6 na buwan.
Sa Pasay, P1,000 hanggang P5,000 ang bayad sa mga nahuling hindi nagsusuot ng face mask. At kapag naka-third offense na sila, maaari pang makulong ng isang buwan. Kapag menor de edad ang nagkasala, ang kaniyang magulang o guardian ang pananagutin.
Ganito rin ang ordinansa sa Maynila, kung saan P1,000-P5,000 din ang multa o pagkakakulong na hindi aabot sa isang buwan.
Ayon sa mga LGU, kailangan mas mahigpit na ang pagpatupad ng mga ordinansa lalo at dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.