PatrolPH

Lungsod ng Lipa isasailalim ulit sa lockdown Agosto 1-15

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2020 01:31 AM

LIPA, Batangas - Isasailalim sa lockdown ang lungsod na ito simula Sabado matapos ibalik sa general community quarantine ang buong lalawigan ng Batangas.

Ayon kay Lipa Mayor Eric Africa, ibinalik ang lockdown sa Lipa dahil sa panawagan ng mga residente sa takot sa coronavirus pandemic.

"Base na rin sa clamor ng ating mga kababayan, ng mga netizens, ay muli po nating ibinabalik under lockdown ng lungsod ng Lipa," aniya.

Ipapatupad muli ang home quarantine pass at para mas ma-monitor ang galaw ng mga tao ay may checkpoints na muli. Isasara rin ang secondary roads na boundary sa mga kalapit bayan.

"Isinasarado po muna natin pansamantala ang mga kalsada, leading to Lipa. Mga secondary roads, tulad po ng San Jose-Pangao Roads, Calamias-Ibaan road, Lumbang-Alaminos road at ilan pang secondary roads papasok sa atin pong bayan," ani Africa.

Inatasan naman ng alkalde ang mga kapitan ng barangay na ilista ang mga taga-Lipa na nagtatrabaho sa ibang mga bayan at tiyaking may hiwalay na isolation facility ang mga ito upang hindi mahawa ang mga kaanak kung sakaling COVID-19 carrier.

Hihingan na rin ng swab test o kaya ay rapid anti-body test ang mga nagtatrabaho sa Lipa na taga-ibang bayan.

Paiigtingin din ang liquor ban at curfew, kung saan mula 5 a.m. hanggang 7 p.m. na lang pwedeng lumabas.

"Sarado na rin po muna ang mga bars at bawal po silang mag-serve ng alcoholic drinks," ani Africa.

Epektibo ang lockdown hanggang Agosto 15.

Muli namang ipinanawagan ng alkalde ang kooperasyon ng mga residente para patuloy na mapagtagumpayan ang laban kontra COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.