4 patay sa magkahiwalay na landslide sa Davao at Leyte

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2020 05:57 PM | Updated as of Aug 01 2020 06:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat ang nasawi sa magkahiwalay na pagguho ng lupa sa Davao City at Southern Leyte nitong Biyernes. 

Natabunan ng gumuhong lupa si Leticia Fuerzas, 57, sa Hope Avenue Diversion Road sa Barangay Talomo Proper sa Davao City, gabi ng Biyernes. 

Hindi inasahan ng awtoridad na may pamilyang nakatira sa retaining wall sa Barangay Talomo Proper sa Davao City. Namatay ang isang babae matapos na matabunan ng gumuhong lupa habang natutulog. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Nailigtas naman ng mga rescuer ang asawa niyang si Carlos na may kapansanan matapos bahagyang matabunan ng lupa. 

Ayon kay Carlos, natutulog silang mag-asawa nang mangyari ang insidente. 

Sabi naman ni Barangay Chairman Bendor Calamba, bumigay ang lupa dahil na rin sa sunod-sunod na malakas na pag-ulan nitong mga nagdaang araw. 

"Parang retaining wall ito at weakened ang design kaya bumigay. We did not expect na may nakatira dito kaya devastated tayo sa sitwasyon na may namatay," sabi ni Calamba. 

Sinusuri na ng taga-City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Mines and Geosciences Bureau XI ang sitwasyon sa lugar at hindi na rin pinayagan ang pamilya Fuerzas na makatira uli dito. 

Nanawagan naman ng tulong ang pamilya sa gobyerno para sa pagpapalibing kay Leticia. 

Natabunan ng gumuhong lupa ang tatlong nagka-quarry sa Barangay Canlawis sa Pintuyan, Southern Leyte. Larawan mula sa Pintuyan Municipal Disaster Risk Reduction Office

Samantala, tatlo naman ang nasawi sa landslide na naganap sa Pintuyan sa Southern Leyte, Biyernes ng hapon. 

Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pintuyan, nagsasagawa ng quarrying sa dry river malapit sa bangin ang tatlo nang gumuho ang lupa sa Jubas sa Barangay Canlawis. 

Posible rin na ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na naranasan sa bayan ang naging dahilan ng paglambot ng lupa at nagresulta sa landslide na ikinamatay ng tatlo. 

- Ulat nina Claire Cornelio at Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.