Pagbabalik ng Dengvaxia, pinag-aaralan, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 06:35 PM | Updated as of Aug 01 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari sanang naiwasan ang dengue outbreak kung saan-saang bahagi ng bansa kung itinuloy lang ang pagtuturok ng kontrobersiyal na gamot na Dengvaxia. 

Ito ang pahayag ni dating Health secretary at ngayo'y Iloilo Rep. Janette Garin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-dengue ngayong taon. 

Maaalalang noong isang taon ay permanenteng binawi ng Food and Drug Administration (FDA) ang certificate of product registration ng Dengvaxia matapos itong sisihin sa umano'y pagkamatay ng ilang batang nabakunahan nito. 

Pero para sa ilang magulang, takot pa rin sila tuwing maririnig ang salitang Dengvaxia. 

"Ayoko diyan, takot ako baka mamatay ang anak ko," ani Rosemae Fernandez, magulang. 

"Di ba ang daming lumabas na issue noon na nu'ng tinurok sa mga bata maraming namatay?" sabi naman ni Auria Javier. 

Sinisi ng Department of Health (DOH) noon ang kontrobersiya sa Dengvaxia kaya nagkaroon ng pagbaba sa mga nais magpabakuna. 

Suportado naman ng isang grupo ng mga doktor ang panukalang ibalik ang Dengvaxia.

"Naniniwala ako na merong rason para ibalik at gamitin ang Dengvaxia. Walang masamang ibalik ang Dengvaxia kasi ginagamit 'yan sa ibang bansa. Ayon sa pananaliksik, hindi nakakamatay ang Dengvaxia. Ang risk ay bababa ang platelet mo," ani Dra. Lulu Bravo ng grupong Doctors For Truth and Public Welfare. 

Bukas din ang Malacañang sa posibilidad na gamitin muli ang naturang bakuna. 

"Eh siguro pakinggan natin 'yung mga sinasabi ng mga doktor. What is important is we stop the spread of dengue and we need to find a solution for that... If it's true that Dengvaxia is effective only to those who have suffered dengue, eh di puwede pala," sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.