P2 dagdag-pasahe sa jeep, nakatakdang ipatupad sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 03:27 PM | Updated as of Aug 07 2019 04:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Batay sa inaprubahang fare hike petition ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), P2 ang madaragdag sa pamasahe sa jeep sa Iloilo.

“The board has decided that we’re gonna grant a P2 increase from the original P6.50," anunsiyo ni LTFRB chairman Atty. Martin Delgra III.

Inilabas ng LTFRB ang impormasyon kasabay ng paglunsad ng unang batch ng motorized jeepney na bibyahe sa Iloilo.

Hati naman ang opinyon ng mga pasahero sa naging desisyon ng LTFRB.

"Okay lang naman. Sundin na lang natin kung ganoon talaga," ayon sa commuter na si Reyman.

"Sa pagtaas ng pamasahe, tataas din ang bilihin. Pero ang suweldo namin, ganoon pa rin. Talo na kami," hinaing naman ni Leonardo.

Pero kung ang mga tsuper ang tatanungin, pabor na pabor sa kanila ang matagal nang hinihintay na dagdag-pasahe.

"Okay na sa amin ito ngayon. Matagal na naming hinihintay na ipatupad nila ito," ayon sa drayber na si Matt.

Wala pang detalye kung kailan magiging epektibo ang naturang desisyon ng LTFRB. Wala pa rin silang inilalabas na dokumento ukol dito.

Nauna nang nagpatupad ang ahensiya ng P1 dagdag sa unang 4 kilometro sa mga pampublikong jeep na bumibiyahe sa mga rehiyon ng National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

—Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.