Mga suspek sa pagkawala ng lalaki sa QC, di mahagilap

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 07:36 PM | Updated as of Aug 08 2019 01:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi nahagilap ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga pinaghihinalaang dumampot sa isang nawawalang lalaki sa Barangay Commonwealth matapos nilang lusubin ang mga posibleng kinaroroonan ng mga ito sa nakalipas na magdamag.

Ibinigay na sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang kaso ni Arnold Jansen Agustin, 21, na sinasabing tinangay umano ng mga tauhan ng kanilang barangay noong madaling araw ng Biyernes.

"Are they acting on their own, are they citizens' watch, are they volunteers? This will be looked upon," ani QCPD director Superintendent Joselito Esquivel.

Bandang alas-11 ng gabi noong Martes, hinalughog ng tropa ng QCPD-CIDU ang barangay unit 2 ng Commonwealth kung saan nakabase umano si Jason Mahilom, isa sa mga sinasabing kumuha kay Agustin, pero walang katao-tao sa unit.

Hindi umano personal na magkakilala si Agustin at mga tumangay sa kaniya pero naikuwento umano ng nawawala sa kaniyang pamilya na hinuli siya noong Enero ni Mahilom at pinagbintangang nakaw umano ang gamit na motorsiklo. 

Sunod namang pinuntahan ang barangay base 8 pero wala sa mga naroon ang mga pakay ng mga pulis.

Pinuntahan din ang bahay ng dating kagawad na si Chris De Lima, pinuno ng peace and order sa barangay at sinasabing nanguna sa pagkuha kay Agustin, pero wala ito roon.

Kinumpiska ng mga pulis ang motorsiklong nasa bahay ni De Lima na positibong itinurong sinakyan ng isa sa mga dumukot kay Agustin.

Ayon naman sa barangay chairman na si Manuel Co, walang blotter o record na nagkaroon ng operasyon ang mga taga-barangay noong madaling araw ng Biyernes.

Simula noong gabi ng Martes ay hindi na matagpuan sina De Lima at Mahilom, at hindi na rin sila sumipot sa trabaho nitong Miyerkoles.

"Nakita ko 'yong CCTV, hindi ko ma-identify iyong mga tao except doon sa isa na dati naming kagawad. Ang sabi niya, kaya daw siya nandoon dahil napadaan siya, bibili siya ng bibingka," ani Co.

Naghain na ng kasong kidnapping ang pamilya Agustin laban kina De Lima, Mahilom, at iba pang itinuturing na suspek sa pagkawala ng lalaki.

Inaalam ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa biktima habang hinahanap din ang mga itinuturong dumukot dito.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.