Higit P20 milyon, natangay ng mga nagpanggap na pulis sa Tuguegarao bank

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 04:26 PM | Updated as of Aug 01 2018 05:02 PM

Nilooban ng limang lalaking nagpanggap na mga pulis ang main branch ng Metrobank sa Tuguegarao City, Cagayan noong gabi ng Martes.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng Metrobank na P21.4 milyon ang halaga ng natangay ng mga suspek.

Ayon kay Superintendent George Cablarta, hepe ng Tuguegarao police, bumaba mula sa puting van ang mga suspek na nakasuot ng green camouflage uniform at sinabi sa guwardiya ng bangko na magsasagawa sila ng inspeksiyon sa cash management services unit (CMSU).

Matapos buksan ang pintuan ng CMSU ay naglabas ng mga armas ang mga suspek, nagdeklara ng holdap at ginapos ang mga guwardiya.

Dumeretso ang mga holdaper sa sorting room, kung saan inaayos ang pera, at pinadapa ang mga empleyado.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang tear gas at mga balang iniwan ng mga holdaper.

Ayon pa sa Metrobank, walang customer account ang naapektuhan sa holdapan at ligtas ang lahat ng kanilang mga empleyado.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad at ng pamunuan ng Metrobank ang insidente.

Ito ang ikalawang insidente ng holdapan sa malaking bangko sa Tuguegarao City nitong taon.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.