PatrolPH

ALAMIN: Pananagutan ng punerarya, med school na 'dawit' sa pinagkakitaang bangkay

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 09:35 PM | Updated as of Dec 12 2019 05:40 PM

Watch more on iWantTFC

Kamakailan ay pumutok ang balita tungkol sa kalunoslunos na sinapit ng isang ginang na dinukot noong 2017 at matapos patayin ay pinagkakitaan pa ang bangkay. 

Pinerahan ang bangkay sa mga pekeng lamay para sa saklaan, at matapos ang ilang linggo ay ibinenta naman ito sa med school upang pag-aralan.

Ngunit may pananagutan nga ba ang punerarya at med school na nasangkot sa insidente?

Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, maaari lamang managot ang punerarya sa paglabag sa Sanitation Code na ipinapatupad ng Department of Health (DOH).

Kinakailangan kasing maipakita sa ng magsu-surrender ng bangkay sa punerarya ang death certificate.

"Dapat may death certificate so magtaka ka na kung ikaw ay may-ari ka ng punerarya, dinala 'yung bangkay na walang death certificate," ani Castro sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM nitong Martes. 

Dapat rin ay ipinapaalam sa pamilya na ieembalsamo na ang kanilang namatay na kaanak. 

Kinakailangan ding i-report ng mga punerarya sa mga awtoridad kapag walang naibigay na death certificate ang sinumang nag-surrender ng bangkay. 

Kapag napatunayang lumabag sa sanitation code, maaaring mawalan ng lisensiya ang isang punerarya. 

Ngunit kapag napatunayang nakipagsabwatan ang punerarya sa mga kriminal na pumatay sa biktima, maaari silang kasuhan batay sa Revised Penal Code ng bansa.

Maaari namang malagot ang med school na bumili ng bangkay dahil dapat ay may sertipiko ito galing sa DOH bago pag-aralan. 

"Kung di nasertipikahan nang tama, maaaring managot ang school," ani Castro.

Naghain noong 2017 ang nabilanggong senador na si Leila De Lima ng panukalang batas na mangangasiwa sa paghawak ng mga katawan ng patay pero hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ito.

Sa ilalim nito, nais iwasan ang paggamit ng mga punerarya at morgue para itago ang mga bangkay na pinaslang ng mga kriminal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.