Bayan sa Ilocos Norte, isinailalim sa state of calamity

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 11:31 AM

ILOCOS NORTE - Idineklarang under state of calamity ang bayan ng Pasuquin sa Ilocos Norte dahil sa epekto ng hanging Habagat na pinaigting ng bagyong "Gorio."

Nabuo ang desisyon sa isang special session ng Sangguniang Bayan ng Pasuquin noong Linggo.

Ayon kay Vice Mayor Pedro Rex Aguinaldo, malaking tulong ito sa bayan upang magamit ang calamity fund para mas matulungan ang mga naapektuhang residente sa agrikultura man o sa imprastraktura. Magagamit rin ito para sa rehabilitasyon.

Inanod patungong dalampasigan ang ilang mga bangka matapos manalasa ang hanging habagat na dala ng bagyong Gorio.

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Tinamaan ang ilang mga bahay matapos anurin patungong dalampasigan ang ilang mga bangka.

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Tinawid ng mga taga-munisipyo ang isang laot upang maabutan ng relief goods ang mga nasa kabilang pampang.

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Naabutan ng tulong ang mga nasalanta ng bagyong Gorio.

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Dagdag ni Aguinaldo, base sa inisyal na report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, may mga lugar na binaha dahil sa storm surge.

Labingsiyam na pamilya ang lumikas pero nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan nitong Lunes.

Sa coastal barangay ng Barangay Davila, 27 bahay ang nasira at 143 ang mga nasirang bangka.

Ayon kay Aguinaldo, 10 bahay ang "totally damaged," habang 17 naman ang bahagyang nasira "matapos hampasin ng alon ang kanilang bahay at bungguin ng mga bangka na naanod at inilipad ng hangin."

Namahagi ang pamahalaan ng Pasuquin ng relief goods mula sa kanila at sa gobyernong probinsyal ng Ilocos Norte Norte sa mga apektado ng bagyo.

Napasok na rin ng Municipal Social Welfare Development office ang isolated na sitio sa Barangay Pragata dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog at dagat at nabigyan ng relief goods ang 60 pamilyang nakatira dito.

"Hindi sila nakalabas noong kasagsagan ng bagyo dahil sa tumaas 'yung tubig. Lagi silang isolated basta may bagyo dahil sira 'yung hanging bridge na dinadaaanan nila papasok at palabas ng sitio," ani April Ann Marique, Municipal Social Welfare and Development Officer-Pasuquin, Ilocos Norte.

Patuloy pa rin ang pagkalap ng datos ang MDRRMC at MSWD sa mga nasira at halaga ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.