PatrolPH

UP Diliman muling nagdaos ng face-to-face graduation

Larize Lee, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2022 12:54 PM | Updated as of Jul 31 2022 03:22 PM

(UPDATE) Sa unang pagkakataon buhat ng mag-umpisa ang COVID-19 pandemic, muling nagdaos ngayong umaga ng Linggo ng face-to-face na graduation ceremony ang University of the Philippines-Diliman (UP).

Isa sa mga masayang nakapagtapos ng master's degree in home economics ang cancer patient na si Aileen Paclet, na naantala umano ang pag-aaral dahil kinailangan niyang magpa-chemotherapy.

"I got sick along the way. So it took me 8 years before I finished [my program]," ani Paclet, na sinabing napaiyak siya nang suotin ang sablay.

Malaki ang pasasalamat ni Paclet at iba pang graduate dahil naipagdiwang nila ang kanilang pagtatapos nang magkakasama. Online lang kasi ang graduation noong mga nakaraang taon dahil sa pandemya.

"Sobrang suwerte po at blessed kasi 'yon, naranasan namin mag-face-to-face after 2 years. Sobrang sarap po ng experience na andito po kami lahat, nagtitipon-tipon," anang tourism graduate na si Stephen Ilao.

"Isa itong culmination ng lahat ng paghihirap ng pagla-lobby ng mga estudyante ng pagkakaroon ng face-to-face graduation. At bilang first batch din ng K-12, ramdam na ramdam na deserve ng bawat estudyanteng naririto ang face-to-face graduation," sabi naman ni Kriscel Carandang, na nagtapos na summa cum laude.

Masaya at ipinagmalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak. 

Kasama rito si Jose Garcia, na dala-dala pa sa graduation ang aso ng anak.

Ayon kay Garcia, lucky charm ng anak na si Meloine ang aso kaya nagtapos umano itong magna cum laude.

"Ito yung inspirasyon ng anak ko kung bakit pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral dito sa UP," ani Garcia. "Sinusundan siya ng aso kahit saan siya magpunta." 

Tema ng graduation sa UP ngayong taon ang "Dasig," isang salitang Cebuano na nangangahulugang ligaya at sigla sa kabila ng problema, at tibay ng kaloooban sa kabila ng pagsubok.

Nasa 3,475 bilang ng mga estudyante ang nagsipagtapos ngayon sa UP Diliman, kung saan 2,516 ay may baccalaureate degrees habang 959 naman ang may graduate degree.

May 150 estudyante ang nagtapos bilang summa cuma laude, 661 na magna cum laude, at 644 na cum laude.

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.