Ilang bayan sa Pampanga, binaha dahil sa malakas na pag-ulan

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2020 12:25 AM

Magdamag na nakaranas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Pampanga nitong Huwebes na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa naturang probinsiya. Gracie Rutao, ABS-CBN News

GUAGUA, Pampanga - Magdamag na nakaranas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng lalawigan ng Pampanga nitong Huwebes na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa naturang probinsiya.

Makumlimlim na may manaka-nakang pagulan at baha ang tumama sa ilang mababang barangay ng bayan ng Guagua, tulad ng Sta. Filomena.

Binaha rin ang mga main thoroughfares ng bayan ng San Simon at Apalit, habang hirap ang ilang motorista sa taas ng tubig sa bayan ng Macabebe na lampas isang talampakan na ang taas.

Pinakamarami na binahang barangay ay sa bayan ng Masantol, na hindi bababa sa 20 ang tinamaan, hindi lang dahil sa mga pag-ulan kundi dahil na rin sa high tide.

“Kapag high tide talaga, dito malaki ang tubig. Sanay na sa tubig ang mga tao dito sa Masantol,” ani Raquel, isang residente.

Not passable naman sa mga light vehicles ang daan sa Kalsadang Bayu dahil sa higit 2 talampakang taas ng tubig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.