Compound sa Kamuning, QC, isinailalim sa lockdown

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2020 11:29 AM

MAYNILA - Patuloy na nadadagdagan ang mga lugar na nasa ilalim ng special concern lockdown sa Quezon City.

Biyernes nang i-lockdown na rin ang isang compound sa Barangay Kamuning kung saan halos 27 pamilya ang apektado.

Ito ay matapos na makapagtala ang 6 na COVID-19 cases sa nasabing compound.

Nakasarado na ang naturang compound kung saan may nakapuwesto nang mga barangay tanod.

Ayon sa mga nagbabantay, apat sa nagpositibo sa lugar ang dinala na sa quarantine facility habang naka-schedule namang sunduin ang 2 iba pang natirang pasyente ngayon Biyernes.

Nabigyan na rin ng pagkain ang lahat ng apektadong pamilya.

Nasa 21 na ang naitalang active COVID-19 cases sa Barangay Kamuning.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.