PatrolPH

4 sugatan sa pananaga sa CamSur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2020 03:59 PM

4 sugatan sa pananaga sa CamSur 1
Lasing umano ang tumakas na suspek nang magwala ito. Kasama sa apat na nasugatan ang isang taong gulang niyang kaanak. Larawan mula sa Pasacao Municipal Police Station

PASACAO, Camarines Sur - Sugatan ang apat na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang taong gulang na bata, sa pananaga sa Sitio Pulang Lupa, Barangay Balogo sa naturang bayan, Huwebes ng gabi.

Nakainom umano ang suspek na nakilalang si Ronel Samlero at sinugod ang nakatatandang kapatid gamit ang itak.

Sinubukan harangin ng kanilang kaanak na si Allan Cardinal ang itak pero nahagip siya at ang pamangkin nilang isang taong gulang pa lamang.

Nadamay rin sa pananaga ang ina ng magkapatid na si Luneda.

Naisugod sa Municipal Health Unit ang mga biktima na nagtamo ng mababaw na sugat sa mukha at kamay. Agad naman silang pinauwi matapos na magamot.

Patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang tumakas na suspek na nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide.

Away sa pamilya ang ugat umano ng pananaga, ayon sa awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.