QC Mayor Joy Belmonte nagsagawa ng surprise inspection

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 04:52 AM

Mayor Joy Belmonte's Official Facebook Page

MAYNILA—Nagsagawa ng surprise inspection si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa ilang pamilihan at pangunahing kalsada ng lungsod Martes ng gabi.

Kasama ng alkalde ang iba pang opisyal at tauhan ng Department of Public Order and Safety sa nasabing inspeksiyon.

Ayon kay Abbey Malvar, public relations officer ng alkalde, alas-8:20 ng gabi nang magsimulang mag-ikot si Belmonte sa paligid ng Litex Market kung saang nagkaroon siya ng dayalogo sa ilang mga nagtitinda sa lugar.

Sunod naman niyang sinilip ang Commonwealth Market bago pumunta sa Novaliches. 

Sinilip din ng alkalde ang mga footbridge, sidewalk at hilera ng estante at iba pang obstruction sa kalsada.

Ang mga nabanggit na lugar ang ilan sa mga inirereklamo ng mga motorista dahil sa mga obstruction na nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko tuwing umaga.

Nakausap ni Belmonte ang ilang mga tindero at tindera na maaapektuhan ng gagawing clearing operations alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Una nang sinabi ng alkalde na maghahanap sila ng maayos na lugar para sa maapektuhan sa gagawing clearing operations sa lungsod.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.