'P250 milyon nawala sa pagpapasara ng lotto outlets'

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 06:55 PM | Updated as of Jul 31 2019 09:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Aabot sa P250 milyon ang nawalang kita ng mga lottery outlets sa pagpapasara ng gobyerno sa mga ito sa mga nakalipas na araw, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO.)

Balik-operasyon ngayon ang lotto outlets ilang araw matapos ipasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ito dahil umano sa katiwalian sa PCSO. Kalauna'y nabatid ng Palasyo na wala umanong bahid ng korupsiyon ang operasyon ng lotto.

Hindi kasama sa muling binuksan ang iba pang serbisyo ng PCSO tulad ng Peryahan ng Bayan, Small Town Lottery (STL), at Keno kaya patuloy ang suspensiyon ng mga ito.

Hindi direktang tinalakay ni PCSO General Manager Royina Garma kung sino at paano nasangkot sa korupsiyon ang mga taga-PCSO.

Pero aniya, pinag-aaralan na ng PCSO at pinaiimbestigahan na ng Malacañang ang mga maaaring sangkot sa korupsiyon sa ahensiya, alinsunod sa pahayag ni Duterte.

"Napakalawak kasi when you talk of corruption, ah marami, puwedeng sa loob, sa labas, puwede na sa proseso. Kaya ito po'y inaaral namin para lahat po ng puwedeng pagdudahan, na puwede, puwedeng maaring pumasok ang corruption," ani Garma.

Gusto ring kumbinsihin ng PCSO ang pangulo na ipagpatuloy ang mga STL dahil wala naman daw itong bahid ng korupsiyon.

"Ang tinitingnan ko po ngayon is paano namin i-request at ipakita kay Presidente na 'yung larong STL is very transparent and free from corruption. So 'yon po ang tinitingnan ko ngayon. As to kung may involved, hindi ko tinitingnan ngayon," ani Garma.

Magsasagawa ng lifestyle check ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa lahat ng PCSO board members, kasabay ng imbestigasyon ng Malacañang sa umano'y katiwalian sa ahensiya.

Kabilang sa maisasalang sa lifestyle check sina PCSO director Sandra Cam at ang dating general manager ng ahensiya na si Alexander Balutan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagpapatuloy ng operasyon ng lotto, agad namang nagbukas ang ilang outlet sa Quezon City.

Sa apat na araw na suspendido ang lotto outlets, aminado ang ilang may-ari at empleyado na apektado sila lalo't sa komisyon sa pagbebenta ng tiket lang sila kumikita.

"Wala po kaming trabaho. Wala kaming suweldo," ani Aiza Manalili, may-ari ng isang lotto outlet.

Isa sa unang pumila ang parokyanong si Jun Mariano, ilang dekada nang tumataya ng lotto.

Aniya, "sabik na sabik" siya sa pagbubukas nito.

Umaasa ang ilang may-ari ng mga lotto outlet na makakabawi sila sa mga susunod na araw.

-- Ulat nina Jorge Carino at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.