Hepe ng pulisya sa Negros Oriental sinibak matapos ang serye ng pamamaslang

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 02:38 PM

MAYNILA — Sinibak sa puwesto ang hepe ng pulisya sa Negros Oriental kasunod ng serye ng mga pagpatay sa lalawigan, sabi ngayong Miyerkoles ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde.

Ayon kay Albayalde, iniutos din niya ang pagbuo ng task force, na pangungunahan ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management, na mag-iimbestiga sa mga insidente.

Umabot na sa 17 ang bilang ng mga napatay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa lalawigan simula Martes ng nakaraang linggo. Kasama sa mga nasawi ang 4 pulis, abogado, at isang dating alkalde.

Nauna nang ipinag-utos ni Albayalde ang pagtatalaga ng 300 miyembro ng Special Action Forces sa Negros.

Sinisisi ng PNP at Armed Forces of the Philippines ang serye ng mga pataya sa New People's Army pero itinanggi na ito ng komunistang grupo. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.