Duterte 'may karapatan, pero puwedeng ireklamo' sa lotto shutdown: abogado

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 12:00 PM

MAYNILA — Noong nakaraang linggo ay ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa umano'y katiwalian sa loob ng ahensiya.

Kabilang dito ang lotto outlets, na bahagi ng pinagkukuhanan ng pondo ng PCSO sa kanilang charity projects.

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, may karapatan ang Pangulo na suspendihin ang operasyon ng PCSO sapagkat napapailalim ang ahensiya sa Office of the President.

Pero dagdag niya, maaaring ireklamo si Duterte sa "biglaang" pagpapasara ng outlets, lalo't mga pribadong tao ang nagmamay-ari ng mga lotto franchise at hindi gobyerno.

Apektado din sa shutdown ang mga empleyado ng outlets.

"Bagama't Pangulo ang pangunahing tagapagtupad ng batas, ang empleyado na nawalan ng trabaho maaari silang magtanong, maghain ng reklamo kung bakit sila nawalan ng trabaho," ani Del Prado sa "Usapang De Campanilla" noong Lunes.

Gayunpaman, noong gabi ng Martes ay binawi na ni Duterte ang suspensiyon sa lotto operations dahil wala umanong nakitang korupsiyon dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.