Dry run ng provincial bus ban tuloy simula Agosto 7

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 08:40 PM | Updated as of Jul 31 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuloy na ang dry run ng provincial bus ban sa Edsa pero wala munang ipapataw na parusa sa mga mahuhuling lalabag, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa MMDA, mag-uumpisa alas-4 ng madaling araw sa Agosto 7, Miyerkoles, ang dry run ng patakarang magbabawal sa mga provincial bus sa isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Wala rin munang ipapataw na parusa taliwas sa unang plano na pagmultahin ang mga lalabag sa ban, kahit dry run pa lang ito.

Magkakaroon naman ng window hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, kung saan papayagan ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA pero deretso sa mga common terminal sa Cubao, Parañaque Integrated Terminal Exchange, at BF Citi sa Marikina. 

Mananatiling bukas ang mga bus terminal sa EDSA habang may dry run pero hindi muna magagamit ang mga ito kaya ang mga galing sa mga lalawigan sa south ay hanggang Santa Rosa, Laguna na lang.

Kailangan lumipat sa mga city bus at ilang provincial bus na iko-convert bilang point-to-point bus.

Para naman sa mga galing sa north, mapuputol ang biyahe sa Valenzuela City.

Kasabay ng dry run ang paghihigpit ng MMDA sa pagsampa ng mga pribadong sasakyan sa yellow lane.

Nakahanda na rin daw ang MMDA sa hiling nila sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng pagbawi ng business permits ng mga provincial bus terminal.

May 46 terminal sa EDSA at lagpas 40 rin sa Maynila.

Kasabay ng bus ban, maghihigpit din ang MMDA sa pagsampa ng mga pribadong sasakyan sa yellow lane.

Hindi pa masabi ng MMDA kung hanggang kailan ang dry run.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.