BAWAL TSISMIS, PAGDURA: Mga natatanging ordinansa sa iba't ibang lugar sa bansa

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 03:47 PM | Updated as of Jul 31 2019 04:16 PM

Sa pag-upo ng mga bagong halal na opisyal nitong Hulyo, may ilang mga bagong patakaran na ang naimungkahi at ilang naipasa na sa iba't ibang lugar sa bansa. 

Sa Maynila, kamakailan ay nilagdaan na ang mga ordinansang magbibigay ng P500 buwanang allowance para sa mga senior citizen, PWD, solo parent at nasa Grade 12.

Inaprubahan na rin nitong buwan ng Sangguniang Panlungsod ng Makati ang isang ordinansa na magbibigay ng P10,000 cash gift kada taon sa mga residenteng nasa edad 90 hanggang 99 na may Blu Card na sa nakalipas na 5 taon. 

Bukod sa mga ordinansang nagbibigay benepisyo sa mga residente, may ilang mga lokal na batas na nauna nang naipasa sa iba't ibang bayan at siyudad sa bansa na masasabing natatangi. 

Narito ang ilan sa kanila: 

BAGUIO CITY: BAWAL GUMAMIT NG CELLPHONE O MAGBASA HABANG NAGLALAKAD 

Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

Ipinagbabawal sa Baguio City ang paggamit ng cellphone o pagbabasa ng text habang tumatawid ng kalsada o naglalakad sa kalye. 

Alinsunod ito sa Ordinance No. 49 na ipinasa ngayong taon ng Sangguniang Panlungsod.

Sa ilalim ng ordinansa, ipinagbabawal din ang pagbabasa ng mga reading material gaya ng mga libro habang tumatawid o naglalakad sa mga sidewalk o kalsada.

Ang mga mahuhuli ay sisitahin sa unang paglabag (first offense), at pagmumultahin ng P1,000 o magsasagawa ng community service sa ikalawang paglabag.

Multang P2,000 at community service o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa 10 araw ang parusa sa ikatlong paglabag habang multang P2,500 at community service o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa 30 araw ang parusa sa pang-apat na paglabag.

 BAGUIO CITY: TSISMIS BAWAL SA ILANG BARANGAY

Sa Barangay Lower Quirino Hill at Upper Rock Quarry sa Baguio City, ipinagbabawal naman ang tsismis.

Sa ilalim ng Ordinance No. 5-2019 ng Lower Quirino Hill, isang Anti-Tsismis Committee ang itatatag ng barangay para ipatupad ang ordinansa.

Multang P500 at 3 araw na community service ang parusa sa unang paglabag, multang P500 at 5 araw na community service sa ikalawang paglabag, at multang P1,000 at 7 araw na community service naman sa ikatlong paglabag.

Sa Barangay Upper Rock Quarry, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P300 sa unang pagkakataon, P500 sa ikalawang paglabag, at P1,000 sa ikatlong paglabag. Kasama ng multa ang isang araw na community service.

 BAGUIO CITY: PAGSAMPAY NG UNDERWEAR BAWAL 

Ipinagbabawal sa Barangay Holy Ghost Proper sa Baguio City ang lantarang pagsasampay ng mga damit panloob.

Sa ilalim ng Ordinance No. 03 na ipinasa noong 2018, sisingilin ng P300 ang mga lalabag.

BAGUIO CITY: BAWAL MAGMURA

Bawal ang pagmumura sa lahat ng paaralan, computer shop at iba pang establisimyento at mga pampublikong lugar na madalas puntahan ng mga bata at estudyante sa Baguio City.

Ito ang utos ng Ordinance No. 118 na ipinasa noong 2018.

Ang mga pamunuan ng mga paaralan ang magpapasya ng parusa sa mga estudyanteng mahuhuling nagmumura. Wala namang parusang ipapataw sa mga negosyo at establisimyento.

CALOOCAN CITY: DRESS CODE

Isang ordinansa naman sa Caloocan City ang nagtatakda ng mga dapat isuot ng mga residente sa mga pampublikong lugar.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 0439 na ipinasa noong 2007, ipinagbabawal ang pagiging "topless" o kawalan ng pang-itaas na damit sa mga pampublikong lugar.

Mga damit na may sleeves at pantalon o palda naman ang dress code para sa mga nagtitinda sa mga palengke, at mga driver at pasahero ng mga public motor vehicle at pedicab.

Kinakailangan ding naka-apron ang mga nagtitinda sa palengke at mga karinderya. Ipinagbabawal din sa mga nagtitinda ang pagiging topless, pagsusuot ng sobrang ikling shorts, sando, at mga sleeveless na damit o blouse.

Ang mga lalabag ay sisitahin sa unang beses, pagmumultahin ng P500 sa ikalawang paglabag, at pagmumultahin ng P1,000 at makukulong ng hindi lalampas sa 2 araw sa ikatlong paglabag.

MAKATI: MGA ESTUDYANTE BAWAL SA MALLS, COMPUTER SHOPS, IBA PA

Students walk the halls of the Pembo Elementary School in Makati City during an earthquake drill, February 15, 2018. George Calvelo, ABS CBN News/File

Ipinagbabawal naman sa Makati City ang mga nakaunipormeng grade school at high school student sa mga bilyaran, computer shop, sinehan at mall sa oras ng klase.

Alinsunod ito sa City Ordinance No. 2002-122.

Sa ilalim ng ordinansa, kapag nahuling nagpapasok ng mga estudyante, pagmumultahin ang mga may-ari o operator ng mga establisimyento ng P1,000 sa unang paglabag at P3,000 sa ikalawang paglabag.

Sa ikatlong paglabag, P5,000 ang multa at maaaring alisan ng business license o permit ang establisimyento.

 MANDALUYONG CITY: RIDING-IN-TANDEM IPINAGBABAWAL

Ipinagbabawal sa Mandaluyong City ang mga "riding-in -tandem" o iyong pag-angkas sa motorsiklo. Ito'y ipinasa noong 2014 sa gitna ng mga krimen kung saan sangkot ang mga salarin na lulan ng motorsiklo. 

Ang Ordinance No. 550 na nagbabawal sa mga riding-in-tandem maliban na lang kung ang backride o angkas ay babae, lalaking kaanak na nasa first-degree ng consanguinity (ugnayan sa dugo), at batang nasa edad 7 hanggang 10.

Noong 2015 inamyendahan ang ordinansa para mapabilang sa exemption ang mga magkaangkas na mga pulis.

Parehong sisingilin ang motorcycle driver at angkas ng P1,000 sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag, at P3,000 sa ikatlong paglabag.

QUEZON CITY: ESTUDYANTE BAWAL BUMILI NG JUNK FOOD

Isang ordinansa sa Quezon City ang nagbabawal sa pagbenta sa mga estudyante ng junk food o sitsirya at soft drinks.

Sa ilalim ng Ordinance No. 2579 na ipinasa noong 2017, ipinagbabawal ang pagbenta ng mga nasabing pagkain at inumin sa mga canteen sa mga paaralan at sa mga tindahang may layong 100 metro mula sa paaralan.

Multang P1,000 ang parusa sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag, at P5,000 at pagkansela sa barangay o business permit sa ikatlong paglabag.

VALENZUELA: MAGDAMAG NA VIDEOKE IPINAGBABAWAL

Ipinagbabawal ang paggamit o pag-iingay ng mga videoke at iba pang "sound amplifying equipment" and "audio-amplified machine" gaya ng stereo, radio player, at iba pang katulad na musical device mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga sa lahat ng residential at socialized housing area sa Valenzuela City.

Alinsunod ito sa City Ordinance No. 319 na ipinasa noong 2016 at naunang City Ordinance No. 102 noong 2013.

Sisingilin ang mga indibiduwal na lalabag ng P1,000 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag, at P5,000 sa ikatlo at mga susunod na paglabag.

Para naman sa mga corporation, partnership, at commercial o business entity na lalabag, P3,000 ang multa sa unang paglabag, P7,000 sa ikalawang paglabag, at P10,000 sa ikatlo at mga susunod na paglabag.

SANTIAGO CITY: PAGDURA IPINAGBABAWAL

Sa ilalim ng Ordinance No. 9THCC-047 na ipinasa sa Santiago City noong 2017, ipinagbabawal ang pagdura sa mga pampublikong lugar.

Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P500 at kinakailangang dumalo sa isang araw na seminar sa City Health Office sa unang paglabag, P1,000 multa at seminar sa ikalawang paglabag, at multang P1,500 na may kasamang written warning sa ikatlong paglabag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.