Barangay sa Misamis Oriental, dinagsa ng langaw

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 03:26 PM | Updated as of Jul 31 2019 08:02 PM

Isinisisi ng mga residente ang pagdami ng langaw sa dalawang poultry farm sa lugar. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Nangangamba para sa kanilang kalusugan ang nasa 300 mga residente ng Purok 1 at 2 ng Barangay Patag sa bayan ng Maticao sa Misamis Oriental dahil sa sobrang dami ng langaw sa kanilang lugar.

Ayon sa mga residente, hirap sila sa pagluto, pagkain at kahit sa pagtulog dahil sa dami ng langaw. 

“Nagkukulambo na lang kami habang kumakain,” sabi ni Illys Kheen Anticamara.

Itinuturong dahilan ng mga residente ang 2 poultry farm kung saan isa rito ay pag-aari umano ng konsehal at health committee chairman ng Sangguniang Bayan.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Barangay Chairman Anna Marie Bongay, naidulog na nila ito sa LGU at Environmental Management Bureau taong 2018. 

Nitong Mayo, gumawa na sila ng commitment kasama ang mga may-ari na gumawa ng bentilasyon para maibsan ang masamang amoy, paglalagay ng kemikal sa dumi ng mga manok, at sila na mismo magsususpende ng operations nila kapag hindi masolusyonan ang problema sa langaw.

“Hindi natupad ang ipinangako nilang vent at lagusan ng dumi,” sabi ni Bongay.

Ayon naman sa caretaker ng poultry, sinunod naman nila ang kanilang ipinangakong pagkontrol ng mga langaw sa pamamagitan ng pag spray ng kemikal sa loob ng poultry.
 
“Ang langaw lumalabas lang tuwing harvest. Natupad namin ang pagkontrol ng langaw kasi hindi na ganun karami ang langaw dito. 'Yung mga langaw sa bahay, meron naman talaga 'yan,” sabi ng caretaker na si Michael Hambre. 

Hindi nagpaunlak ang mga poultry carers sa hiling ng barangay chairman at news team na pumasok sa farm.

Inaasahang nitong buwan babalikan ng EMB ang lugar para inspeksyunin gaya ng napagkasunduan pero ayon sa mga residente, hindi pa nakakabalik sa kanilang lugar ang EMB.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.