1 patay, 1 sugatan matapos makipaghabulan sa pulis sa Batangas, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 11:53 PM | Updated as of Aug 01 2019 02:32 AM

(UPDATE) Isa ang patay at isa pa ang sugatan matapos makipaghabulan sa pulisya sa Batangas na umabot pa hanggang Cavite nitong Miyerkoles.

Kinilala ang napatay na suspek na si Reinier Ambion habang ang nasugatan ay nakilalang si Mary Grace Casulang.

Ayon sa pulisya, habang isinagawa ang isang buybust sa bayan ng Laurel, Batangas, nakatunog ang mga suspek na pulis ang katransaksyon nila.

Nauwi sa habulan ang operasyon matapos mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang sasakyan nila patungo sa direksyon ng Cavite.

Nakipagbarilan umano ang mga suspek sa mga pulis na humabol bago tuluyang makorner ang mga ito sa bahagi ng Barangay Amuyong, sa bayan ng Alfonso sa Cavite.

Dito na nasawi si Ambion at nasugatan si Casulang.

Limang plastic sachet ng hinihinalang shabu at .38 kalibre ng baril ang nakuha sa mga suspek.

Inaasahan ng mga awtoridad na malaki ang magiging epekto ng pagkamatay ni Ambion sa suplay ng droga sa Laurel at mga karatig na lugar.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Tagaytay Medical Center si Casulang. - Ulat ni Jeffrey Hernaez at Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.