Lalaking gumagawa umano ng pekeng dokumento, timbog sa Cagayan de Oro

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 11:30 PM

CAGAYAN DE ORO—Naaresto sa entrapment operation ng pulisya noong Lunes ang isang lalaki dahil sa paggawa umano ng mga pekeng dokumento.

Ayon kay Chief Inspector Julius Clark Macariola ng Cagayan De Oro police, positibong nakapagpagawa ang mga operatiba nila ng dalawang college diploma sa suspek na si alyas "Bert" kapalit ang halagang P1,200.

"Na-validate natin na tumatanggap siya ng paggawa ng pekeng diplomas. Sabi pa nga nila kahit anong school diploma puwede basta may dala ka lang original sample," ani Macariola.

Nakumpiska rin sa suspek ang mga pekeng transcript of records, mayor's clearance, baptismal certificate, birth certificate at iba pang pampublikong dokumento.

Depensa naman ng suspek ay tumutulong lang siya sa lumalapit sa kaniya kaya dinadala niya ang mga ito sa kakilalang gumagawa ng pekeng dokumento.

Natukoy na rin ng pulisya ang dalawa pang kasamahan ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong falsification of public documents.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.