Lalaking 'dinampot ng mga taga-barangay,' nawawala pa rin

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap pa rin ng kaniyang mga kaanak ang isang 21 anyos na lalaki sa Commonwealth, Quezon City na dinampot umano ng mga tauhan ng barangay. 

Madaling araw ng Biyernes kinuha ng grupo ng mga lalaki sa Yellowbell Street, Barangay Commonwealth ang nawawalang si Arnold Jansen Agustin. 

Base sa kuha ng CCTV, hindi bababa sa 10 ang bilang ng mga lalaking tumangay kay Agustin. 

Ayon sa isang nakakita sa insidente na si alyas "Angel," pinaputukan si Agustin pero nakatakbo ito subalit kalaunan ay naabutan at binugbog bago pinosasan.

"Naririnig po namin, 'sir, hindi po ako magnanakaw,'" ani "Angel."

"'Yong iba po naka-uniporme ng barangay, kulay green tapos 'yung iba naman naka-civilian, naka-shorts. Malalaki po iyong mga katawan. Tapos may mga bag po kasi sila," dagdag ng testigo.

Pinuntahan na rin ng pamilya ni Jansen ang barangay hall ng Commonwealth pero wala roon ang lalaki.

"To our dismay po... wala raw po silang order or any operation on that day," ani Marianne Agustin, ina ng nawawala.

Ipina-blotter na rin sa Quezon City Police District Station 6 ang insidente.

Ayon kay Chief Inspector Sandie Caparroso, hinihintay nilang magsampa ng kaso ang pamilya para maaresto ang mga sinasabing tumangay sa lalaki.

"Wala tayong matibay na basis para arestuhin... although nag-ocular naman tayo, halos walang gustong magsalita doon sa area," ani Caparroso.

"Kailangan nating imbestigahan nang maigi," dagdga ni Caparroso.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng barangay pero tumanggi itong mabgigay ng pahayag habang gumugulong ang imbestigasyon. -- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.