Lalaki patay nang pagbabarilin sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 08:41 PM

GUIHULNGAN CITY, Negros Oriental – Patay ang isang 63-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin, Martes ng umaga sa Sitio Kinayan, Barangay Bulado sa lungsod na ito.

Nakilala ang biktima na si Policarpio Bulado.

Ayon sa pulisya, nabaril si Bulado sa isang lumang slaughterhouse kung saan papakainin niya sana ang mga alagang manok at baboy.

Inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaslang pero paniwala ng pulisya na posibleng miyembro ng New People’s Army ang mga salarin base na rin umano sa pamamaraan ng pagpatay.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 12 basyo ng .9mm at limang basyo ng kalibre .45 na baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.