Hindi pagregularisa ng PLDT sa mga manggagawa, iaakyat na sa korte

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 09:34 PM | Updated as of Aug 07 2019 03:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak nang iakyat ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa korte ang patuloy na hindi pagsunod ng PLDT sa kautusang gawing regular ang mahigit 7,000 na manggagawa nito.

"As I said before, DOLE and government is not powerless. So we are going to take 2 legal steps to address the situation," anang kalihim ng DOLE na si Silvestre Bello III. 

Tumanggi munang magkomento ang PLDT. Ngunit anila sa isang statement, hindi tama ang clarificatory order dahil dinala na ng kompanya ang isyu sa Court of Appeals para kuwestiyonin ang naunang compliance order. 

"It was irregularly issued because, among others, the Clarificatory Order was released even though the previous orders of the Labor Secretary (issued on 10 January and 24 April 2018) are "final, cannot be modified and subject to the proceedings before the Court of Appeals," anila sa nasabing pahayag.

Matatandaang pinag-a-apply ulit ang mga manggagawa bago sila i-absorb ng kompanya bilang regular na manggagawa, kaya naglabas ng clarificatory statement ang Labor department. 

Dagdag pa ng PLDT, hindi sila nabigyan ng pagkakataong maghayag ng kanilang hinaing at hindi rin daw sila nakatanggap ng imbitasyon na makadalo sa mga dayalogong kasama ang mga labor union. 

Ngunit sa isang dating panayam, iginiit ni Bello na hindi nakakuha ng temporary restraining order ang PLDT para itigil ang kautusan nila. 

Pinangangambahan naman ng mga apektadong manggagawa na maaaring maantala ang pagbigay sa kanila ng hustisya kapag inihain pa ang kaso sa korte. 

Aminado ang hanay ng mga nagpoprotestang manggagawa ng PLDT na unti-unti na silang nababawasan dahil isang buwan na silang walang sahod.

"Hirap na hirap na po talaga kami. Hirap po. Kasi ako nagpapagatas ako ng bata, siyempre magulang ko umaasa rin sa akin," ayon sa pangulo ng PLDT Organization of Workers and Employees for Rights na si Dan Joshua Nazario. 

Dismayado rin sila umano na di pa natutupad ang pangako ng DOLE na bibigyan sila ng pansamantalang trabaho habang inaantay nilang iregularisa sila ang PLDT. 

"Kahit minimum wage papatusin namin, iga-grab namin dahil pantawid-gutom din namin 'yun sa pamilya namin," ayon sa PLDT worker na si Jen Magno. 

Kasado na raw ang desisyon ng DOLE na maghahain ng kaso laban sa PLDT, at sinabi na nila sa mga manggagawa na hinahanapan na sila ng pansamantalahang trabaho. 

Naghain na ng resolusyon sa Senado si Sen. Joel Villanueva para sa isang inquiry para sa mga manggagawa ng PLDT, at maging sa mga manggagawa ng NutriAsia na dalawang beses nang dumaan sa marahas na dispersal sa kalagitnaan ng isang ecumenical event sa harap ng kanilang planta sa Bulacan. 

"We need to investigate because these cases, highlight the weaknesses of our current regulatory framework. They emphasize the need for the Security of Tenure Bill that we are going to deliberate in the Senate floor in the coming weeks," aniya sa isang pahayag. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.