Estudyante, nanaksak umano ng kaklase dahil sa pagsusumbong sa guro

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 07:39 PM

DAVAO CITY - Nakakulong sa San Pedro Police ang 17 taong gulang na si "Michael" matapos umanong manaksak ng isang Grade 10 student noong nakaraang Huwebes.

Ayon kay "Michael," nagkapikunan sila ng biktima habang naglalaro ng "Lucky 9" na sugal sa paaralan habang recess.

Ikinagalit umano ng kanilang guro nang nalaman nito na nagsusugal sila.

Hindi ikinatuwa ni "Michael" nang sapakin umano siya sa ulo ng biktima dahil napagbintangan na siya ang nagsumbong sa guro.

Dahil dito, inabangan ni "Michael" at ng barkada nito ang biktima sa labas ng paaralan at pinagtulungan na bugbugin.

Pinabulaanan naman ni Michael na siya ang sumaksak sa biktima. 
Aniya, sinuntok lamang niya ito at ang kaibigan niya ang sumaksak dito.

Nasa maayos na kalagayan na ang biktima na nagtamo ng saksak sa balikat.

Ayon kay Dodong Atillo, tagapagsalita ng Department of Education sa Rehiyon XI, makikipagtulungan sila sa gagawing imbestigasyon ng kapulisan at handa rin nilang tulungan ang biktima.

Ayon sa paaralan, ipatatawag nila ang mga magulang ng dalawang estyudyante na sangkot sa gulo.

Dagdag ni Atillo, hinigpitan na rin ang seguridad sa paaralan.

Nagsasagawa rin ng follow-up investigation ang San Pedro Police para matukoy at mahanap ang kasamahan at barkada ni "Michael."

At dahil menor de edad ang suspek, nakatakdang i-turnover ito sa Department of Social Welfare and Development para maipasok sa rehabilitation center at mabigyan ng kaukulang counselling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.