Dash cam, wi-fi, app, sunod na hihingin sa mga taxi

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 10:32 PM | Updated as of Aug 08 2019 12:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ikasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-calibrate ng mga taxi meter para sa nakatakdang fare increase, hamon naman ngayon sa mga operator na matapatan ang mga serbisyo ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab sa mga susunod na buwan. 

Maaari nang magpa-calibrate ng metro ang mga taxi, pero magbibigay ang LTFRB ng dalawang buwan para malagyan ng mga drayber ng mga dash cam ang mga sasakyan nila. 

"It is up to the enforcement side na po 'yan. Huhulihin po ng LTFRB yan pagka hindi sila nakapag-install nu'ng kanilang mga dash cam" ayon sa senior transportation officer ng LTFRB na si Ian Buenafe. 

Bukod sa dash cam, dapat na rin daw magdagdag ng CCTV, wi-fi connection, at katuwang na mobile application para sa pag-book ng mga taxi para tapatan ang serbisyo ng mga TNVS tulad ng Grab. 

"Medyo patas na kami ngayon kasi modern naman sasakyan namin, bago din. Kumpleto rin kami ng gadget, may apps din naman kami so wala na sigurong pagpipilian si pasahero," ayon sa taxi operator na si Jay-R Ortega. 

Mula sa P3.50 per 300 meter na rate, gagawin nang P13.50 ang singil bawat kilometro ang kaakibat ng P40 na flag down rate sa taxi. 

Tataasan din ang singil sa waiting time mula sa P3.50 kada dalawang minuto noon, at magiging P2 kada minuto na. 

Iginiit ng mga awtoridad na huhulihin nila ang mga drayber na hindi maglalagay ng dash cam -- na ginagamit para i-record ang mga nangyayari sa kalsada habang nagmamaneho -- sa kani-kanilang taxi. 

Samantala, kasado na rin ang dagdag-pasahe ng TNVS. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.