Bumaril sa konsehal sa Cagayan arestado

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 08:05 PM

Bumagsak na sa kamay ng awtoridad ang isa sa umano'y bumaril at pumatay kay Councilor Alfredo Alvarez ng bayan ng Rizal sa Cagayan. Larawan mula sa Police Regional Office 2.

Umano'y kasabwat niya, pinaghahanap pa rin

RIZAL, Cagayan – Nahuli na Lunes ng gabi ang sinasabing pumatay kay Councilor Alfredo Alvarez.

Si Jessie Labang ang itinuturong bumaril sa biktima Linggo ng gabi habang sakay ng kotse papauwi sa bahay sa San Gabriel sa Tuguegarao City.

“Pasado alas-8 kagabi na-track siya ng operatiba at doon siya mismo nahuli sa Barangay Sampaguita, Solana,” ayon kay Chief Supt. Jose Mario Espino.

Naging susi ang kuha ng CCTV sa mabilis na pagkatukoy sa mga salarin.

Inihahanda na ngayon ang kasong pagpatay laban kay Labang.

Patuloy namang pinaghahanap ng awtoridad ang kasabwat niyang si Eloy Baloran.

“Nananawagan po ang aming pamilya na sana kung may makakita, ipagbigay-alam sa pulisya para ma-solve na 'yung pagpatay sa papa namin,” pakiusap naman ni Franklin Alvarez, anak ng biktima.

Anggulong pulitika ang sinisiyasat pa rin sa pagpatay kay Alvarez.

Tinitingnan na rin ng awtoridad ang iba pang kasong posibleng kinasangkutan ng dalawang suspek na miyembro umano ng bagong buo na gun-for-hire group.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.