10 patay sa pagsabog ng 'car bomb' sa Basilan

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 07:39 AM | Updated as of Aug 01 2018 08:10 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Editor's Note: The military has clarified that only 10 people died in the July 31 explosion in Basilan. We are updating our story to reflect the new figure.

LAMITAN, Basilan (8th UPDATE) - Sampu ang patay sa pagsabog ng isang van na may kargang mga improvised explosive device sa checkpoint sa bayan na ito, Martes ng umaga. 

Nagkasa ng checkpoint ang mga awtoridad sa Sitio Bulanting, Barangay Colonia matapos makatanggap ng ulat na may nagpaplanong magpasok ng mga pampasabog sa bayan, sabi sa DZMM ni Col. Ferdinand Reyeg, commander ng Joint Task Force Basilan. 

Dumaan aniya sa lugar ang isang van na may kahina-hinalang driver dakong alas-6 ng umaga. Sa gitna ng pag-iinspeksiyon sa sasakyan, mistulang nataranta ang driver at biglang sumabog ang van. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 50 metro ang impact area ng pagsabog, sabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Edgard Arevalo. 

"Napakalakas nitong bomba na ito, itong mga IED na ito. And we cannot just imagine how the tragedy that this will bring to the people of Basilan kung ito ay hindi nahinto," sabi ng opisyal. 

Dagdag niya, tauhan ni Abu Sayyaf leader Furuji Indama ang driver ng van. Layon nilang mabulabog ang mass surrender ng mga rebelde. 

Kabilang aniya sa mga nasawi ang suspek, isang sundalo, 4 miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at 4 na sibilyang kaanak ng mga ito.

Unang inulat ng militar na 11 ang nasawi, pero nilinaw ni Arevalo nitong Miyerkoles na buhay ang isang CAFGU na naiulat na napatay, bagama't nasa kritikal itong kondisyon. 

Sugatan naman aniya ang isang CAFGU at 6 na Scout Ranger. 

Nangyari ang pagsabog nasa isang oras bago ang nakatakdang parada ng nasa 4,000 estudyante para ipagdiwang ang Nutrition Month, sabi ni Lamitan City Vice Mayor Roderick Furigay. 

Nanawagan naman ang AFP sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga haka-haka at maling impormasyon sa social media.

Wala umanong kumpirmasyong lone wolf, suicide bomber, at dayuhan ang suspek na namatay sa pagsabog.

Kinondena naman ng Malacañang ang umano'y "terrorist attack." 

"We condemn, in the strongest possible terms, the latest terrorist attack in Basilan perpetrated in violation of our laws," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang pahayag. 

"Authorities are now investigating the incident even as we vow to bring the perpetrators of this brazen attack to justice," dagdag niya. 

Pangako naman ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hataman na gagawin ng awtoridad ang lahat ng makakaya para tulungan ang pamilya ng mga naapektuhan at lalo pang paigtingin ang seguridad sa rehiyon. 

"We mourn the loss of lives in this senseless attack to our safety, and we continue to thank those who have devoted and continue to devote their lives to securing peace in the Bangsamoro," sabi ni Hataman sa isang pahayag.

"The commitment to rights and safety of our people that we share with them defines our collective efforts, and we continue to stand and work with them as we seek justice for those who have lost their lives to conflict and violence," dagdag ni Hataman.

Ito ang unang beses na sumabog ang isang bombang karga ng isang 4-wheel vehicle sa Lamitan, sabi sa ANC ni Lt. Col. Mon Almodovar, commander ng Third Scout Ranger Battallion.