'Shabu tiangge', nadiskubre sa liblib na lugar sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 12:56 AM

Dalawa ang patay matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis sa San Pablo City sa Laguna. 

Kinilala ang mga napatay na sina Flores Aram at Edgar Ramos na pawang mga miyembro ng Posporo Drug Group, isang bagong tukoy na grupo na nagbebenta ng ilegal na droga na nakalagay umano sa kahon ng posporo.

Ayon sa pulisya, nakaramdam ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-transaksiyon kaya nagkahabulan ang mga operatiba at mga pinaniniwalaang mga drug user at pusher sa umano'y shabu tiangge sa lungsod.

Taliwas sa mga dati nang subject ng operasyon ng pulisya, hindi mga bahayan o makikipot na eskinita ang binansagang "shabu tiangge" kundi nasa liblib na lugar. 

Halos dalawang buwan din umanong isinailalim sa surveillance ng mga pulis ang lugar. Hinala ng awtoridad, sa liblib na lugar isinasagawa ang mga ilegal na transaksiyon ng grupo para makaiwas sa mga pulis.

Aminado ang ilan sa mga residente na may mga nababalitaan silang nagaganap na ilegal na transaksiyon sa lugar kaya natatakot din sila sa posibleng mangyari.

Dagdag ng pulisya, posibleng hindi lang sa barangay Dolores sa San Pablo City may mga liblib na "shabu tiangge". --Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.