P2.3-M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat; 9 arestado

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 05:17 AM

KORONADAL CITY - Arestado ang 9 na suspek sa raid na isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit o RPDEU 12 sa Barangay Topland, Koronadal City, Linggo ng madaling-araw.

Natunton ang pinagkukutaan ng mga suspek at ni-raid ang nasabing lugar sa bisa ng 20 search warrants.

Nakatakas ang isa sa target nilang si Lesther Carreon sa Purok Malipayon, ngunit nahuli ang asawa nitong si Bernadette Carreon.

Kasama sa mga nahuli sina Mark Lester Dingsalan at Henry Cetera, na ayon sa RPDEU 12 ay mga kasamahan ni Carreon sa drug trade.

Nerekober mula sa mga ito ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu at granada.

Nahuli din ng mga otoridad si Gecelyn Palalay matapos pumunta sa bahay ni Carreon at narekober mula sa pick-up nito ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

Isa pa si Pedro Carreon sa mga target ng RPDEU 12 na pinasok ang bahay sa nasabing lugar, narekober mula dito ang .45 kalibre na baril.

Nadampot din sina Tris Ervie Egasan matapos makuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu, at si Joseph Glenn Carreon na nakuhanan naman ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu.

Huli din sa kanyang bahay si Gabriel Carreon sa nasabing lugar at nakuhanan naman ng apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Isa pa sa mga target ng operasyon ay si John Eric Cordero na naaresto ng mga otoridad sa Purok Mabinuligon. Narekober mula dito ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu, mga baril, bala, at magazine.

Nasabat ang halos 30 na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P2.3 milyong ang halaga.

Ayon kay police Superintendent Maximo Sebastian Jr., hepe ng RPDEU 12, kabilang sa iisang grupo ang mga naaresto at nakatakdang sampahan ng kaso ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.